Nagpasaklolo ang mga agrarian reform beneficiary ng Nasugbu, Batangas kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na mamagitan sa planong pagbawi ng Roxas & Co., Inc. (RCI) sa mga lupaing ipinamahagi nito sa mga benepisyaryo.
Ayon sa Pamahalaang Bayan ng Nasugbu, sumulat na sila sa tanggapan ni Pangulong Marcos, sa pamamagitan ni Agrarian Reform Secretary Conrado S. Estrella III na masuportahan ang anumang legal at maayos na pamamaraang petisyon ng mga Agrarian Reform Beneficiaries sa lupain ng Roxas & Co., Inc. sa kanilang ipinaglalabang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa bahagi na matatagpuan sa mga Hacienda Palico, Banilad at Kaylaway.
"Maraming mga residente ng bayan ng Nasugbu ang nababahala sa ginagawang pagbawi sa lupa ng nasabing kumpanya," ayon sa nilalaman ng naging kapasyahan ng pulong ng Sangguniang Bayan.
"Ang nasabing usapin sa lupa ay napakaselan at nangangailangan ng pagsuporta ng mas higit na nakatataas na pinuno ng gobyerno," dugtong pa nila.
Ang mga nasabing lupain ay ginawa umanong collateral sa inutang ng RCI sa Bank of the Philippine Islands na umaabot na ngayon sa P4.2 bilyon, ayon sa pinost ng LGU Nasugbu sa Facebook.
Hinahabol din ng Nasugbu LGU ang kompanya sa mga utang nitong real property tax. Kung hindi umano magbabayad ang RCI, mapapaso ang business permit ng kompanya.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kompanya sa reklamo ng mga agrarian reform beneficiaries at sa naging hakbang ng Nasugbu LGU.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment