Kuwestyunable umano ang kredibilidad at nakaraan ng sinasabing source ng "PDEA leak," na nag-uugnay sa mga celebrity at opisyal ng gobyerno sa iligal na droga.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs hindi maganda ang reputasyon bilang pulis at PDEA agent ni Jonathan Morales, na nagpapanggap ngayong isang anti-drug crusader sa ilalim ng grupong "Anti-Drug Advocate Laban ng Pamilyang Pilipino Center for Investigative Regulatory Compliance."
"Base sa mga ulat, si Morales ay na-dismiss sa police service bago pa sya nag-apply as PDEA agent. Sa pinirmahan niya na Personal Data Sheet sa PDEA, sinabi niya umano na wala, pero meron pala, syang kaso sa PNP bago siya nag-apply sa PDEA," sabi ni Barbers.
"Nuong nakalusot na siya sa PDEA, naakusahan naman siya later ng kanyang mga superiors at kasamahan mismo sa PDEA na umano'y sangkot sa pilipit na pag-aresto at P8 million extortion sa isang suspected Tsinoy drug lord na kinilala na si Mark Tan ng Binondo, Manila," dagdag pa nito.
Ayon kay Barbers maging ang dating superior ni Morales na si dating PDEA chief Arturo Cacdac ay dismayado sa sinabi nito sa isang congressional hearing na inutusan siya para gumawa at magtanim ng ebidensya sa isa umanong shabu laboratory sa San Fernando, Pampanga gayong batay sa kanyang affidavit ay nagkaroon ng isang buy bust operation.
Si Morales ay opisyal na sinibak sa PDEA noong 2013 dahil sa "grave misconduct, dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service."
Noong nakaraang buwan, lumutang si Morales upang patotohanan ang PDEA operational documents – Authority to Operate and Pre-Operation Report na parehong may petsang Marso 11, 2012 – na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa ipinagbabawal na gamot.
Pinasinungalingan naman ni PDEA chief Virgilio Moro Lazo ang sinabi ni Morales at iginiit na walang ganitong dokumento sa Plans and Operations Reports Management Information System (PORMIS) ng ahensya.
"A critical feature of PORMIS is that one cannot insert or tamper with recorded operations. All pre-operation documents are serialized and recorded in this database. This ensures the system's integrity and negates any doubt on the data the system contains," paliwanag ni Lazo.
"In an age where Artificial Intelligence can generate realistic fake videos, spurious documents and fantastic claims at having 'insider information', the public is cautioned to be more careful in believing such fake news," dagdag pa ng opisyal ng PDEA.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment