Binuhay ng isang kongresista ang panukala na magpapataw ng parusa sa mga telecommunication company kung hindi nila maaabot ang limit sa internet speed na dapat nilang ibigay sa kanilang mga kostumer.
Iginiit ni Makati City Rep. Luis Campos Jr., ang kahalagahan na maserbisyuhan nang tama ng telcos ang kanilang mga nagbabayad na kustomer.
"The Philippines still has one of the slowest average mobile internet speeds in Southeast Asia, and we want to fix this through an act of Congress," sabi ni Campos, ang mister ni Makati Mayor Abby Binay.
Sa ilalim ng House Bill 10215, ang mga telco na mabibigong maibigay ang compulsory internet speed target ay papatawan ng P1 milyong multa kada araw ng pagkabigo hanggang sa sila ay makasunod sa panuntunan.
Noong Abril 2024, ang average mobile internet speed ng Pilipinas ay 32.37 Mbps na mas mababa sa 45.05 Mbps ng Thailand, 50.88 Mbps ng Vietnam, 91.69 Mbps ng Malaysia, 101.43 Mbps ng Singapore, at 102.41 Mbps ng Brunei, ayon sa Speedtest Global Index ng Ookla
Sa ilalim ng panukala, ang internet connection ay gagawin ng isang "basic service" na saklaw ng kapangyarihan ng National Telecommunications Commission.
Ang Pilipinas ay ika-11 sa buong mundo sa dami ng internet users at tinatayang nasa 85 milyon o 74% ng populasyon ang gumagamit ng kanilang mobile phone sa internet.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment