Nanawagan ng tulong mula kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mga mangingisda na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa harassment ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isinagawang public consultation ng House committee on national defense and security at Special committee on the WPS nitong Biyernes, Mayo 24, prangkang sinabi ni Masinloc Mayor Arsenia Lim na maniningil siya sa Pangulo na kanya umanong sinuportahan noong eleksiyon.
"Kaya po ngayon po, ako ay maniningil para sa mga kababayan ko, na `wag po niya pabayaan ang kababayan ko sa bayan ng Masinloc," apela ni Lim na kasama ng mga mangingisdang nakibahagi sa konsultasyon.
Dagdag pa ni Lim, "Noong lumaban po ang ating Presidente, ako po sa second district ang nag-lead, nag-leader po sa kanya para kausapin niya ibang mayors, kumuha ng mga watcher."
Ilang mangingisda ang nagbigay ng kanilang testimonya kaugnay sa naranasang harassment mula sa China Coast Guard.
"Kung ano `yung narinig n`yo sa kanila ngayon, `yun po ang kasalukuyang nangyayari ngayon, ito po ang katotohanan," ayon kay Lim.
Samantala, tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na suportado ng Kamara de Representantes ang mga mangingisda na apektado ng ginagawang pambu-bully ng China sa WPS.
Ipinaabot ni Romualdez ang kanyang mensahe na binasa ni Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. sa ginanap na konsultasyon.
Sinabi ni Romualdez na ang Pilipinas ay suportado rin ng maraming bansa sa pagtindig na ang WPS ay sa Pilipinas.
"At higit sa lahat, ang ating mahal na Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ay nasa inyong likod at kailanman ay hinding-hindi kayo pababayaan," ayon pa kay Romualdez.
Samantala, sinabi ni Gonzales na ipararating niya at ng kanyang mga kasamahan kay Romualdez at sa Pangulo ang hinaing ng mga mangingisda.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment