Hindi lang seryosong banta sa seguridad ng bansa kundi isa ring "creeping invasion" ang isyung nakapalibot sa kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Senador Loren Legarda.
"It could be a creeping invasion. Nakikita natin na hindi naman manggagaling na sa karagatan o sa ere ang mga invasion ngayon. It could be cultural, economic and this time, it's political," sabi ni Legarda sa panayam ng mga reporter.
"Kaya dapat talaga tingnan natin ito. Saan ba nanggaling ito? Sa pagpeke ng mga birth certificate at mga dokumento ng mga government agencies. Kaya ang posibleng taong dayuhan ay magiging Pilipino, at magiging kuwalipikado para mahalal ng mga Pilipino?" dagdag pa niya.
Paniwala ni Legarda, maaaring napasok na ng mga dayuhang kriminal ang ilang ahensiya ng gobyerno.
"So napakaseryosong issue ng national security ang ating sinisiyasat dito at hindi dapat pabayaan ang hearing ng walang katapusan. It's every inch a very serious national security concern," sabi ng senador.
"Hindi lang sa mga halal na position kundi na rin sa ibang areas of security sa ating bansa," saad pa ni Legarda.
Una nang naghinala si Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women na siyang nangunguna sa imbestigasyon, na posibleng isang Chinese spy o asset si Guo.
Sa Miyerkoles sa susunod na linggo magsasagawa ng executive session ang Senado para alamin ang kaugnayan ni Guo sa operasyon ng ilegal na POGO.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment