Matapos makatanggap ng tip noong Mayo 15, nagsagawa ng entrapment operation ang Philippine National Police Women and Children Protection Center upang sagipin ang isang linggong sanggol na ibinebenta sa halagang P90,000.
Ayon sa ulat, pinangasiwaan ng isang middleman ang transaksyon.
"P40,000 ay para doon sa middleman at 'yung P50,000 will be given to the mother," pahayag ni PBGEN Portia Manalad, pinuno ng Philippine National Police Women and Children Protection Center.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Camp Crame, kabilang ang 29-anyos na ina na itinago sa pangalang "Chari."
Ayon kay "Chari," ikatlong anak na niya ang nasabing sanggol at iginiit na hindi niya planong ibenta ito hanggang sa magtalo sila ng kanyang kinakasama, na sinasabing ama ng bata.
"Lagi niya akong inaaway. Stressed na stressed na ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa utang namin," aniya.
Dahil sa stress, maagang isinilang ni "Chari" ang bata, at bigla na lamang nawala ang kanyang kinakasama.
"Lalong humirap ang buhay ko eh nu'ng nanganak ako. Nandu'n na kami sa point na mag-ina nasa trike natutulog. Tapos naririnig ko 'yung baby ko na inuubo, bumabahing maya't maya. Kaya sabi ko sa kapatid ko, 'Ate, paampon ko na lang ito,'" pagbabahagi ni "Chari."
Napag-alamang ipinaampon din ni "Chari" ang una niyang anak sa kanyang kapatid.
Paglalahad ng ina ng sanggol, may nakausap siyang middleman nang mag-post siya sa group.
"Humihingi ako sa kanya ng tulong kahit P1,500 pang-upa ko. Sinasabi ko sa kanya pero wala naman siyang napadala na ganun sa akin. Sabi niya sa akin, siya na ang bahala magpa-check-up kay baby. Ako siyempre, thankful ako na magiging safe ang anak ko. Bibigyan niya raw ako ng pera. Kumbaga panibagong bukas para magsimula ako," wika niya.
Nakatakda silang magkita sa isang simbahan sa DasmariƱas, Cavite, kung saan ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation.
Doon na natuklasan ni "Chari" na ang buyer ng middleman ay mga pulis.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng isang child care facility sa Tagaytay ang paslit.
"Maaari nilang kunin o mabalik sa kanila ang custody dahil ang priority natin is makasama ng bata 'yung biological family niya. Kailangan pumasa sila du'n sa PCAR na tinatawag o 'yung Parental Capability and Assessment Report," pahayag ni National Authority for Child Care Undersecretary Janella Ejercito Estrada.
Samantala, itinanggi ng pamilya ng kinakasama ni "Chari" na ito ang ama ng bata.
Nangako naman ang pamilya ni "Chari" na aasikasuhin nila ang proseso upang mabawi ang bata.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment