Patay ang isang dalagang call center agent matapos na pagsasaksakin ng isang obrero na "lover" ng kanilang kasambahay nang manlaban sa tangkang panggagahasa sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Kaytambog, Indang, Cavite, Miyerkules ng madaling araw.
Idineklarang dead-on-arrival sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital (GEAMH) ang biktima na kinilalang si Mary Anne Ereso, 33-anyos, dahil sa dami ng saksak na inabot sa katawan.
Ayon kay Major Edward Cantano, Indang police chief, naaresto sa follow-up operation ang suspek na nakilalang si Romnick Carbel, alias "Asyong", matapos ang ginawang krimen at abandonahin ang kanyang motorsiklo malapit sa bahay ng biktima.
Sinabi ni Cantano na inihahanda na ang kasong "murder" laban sa suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-hire ng kasambahay ang ama ng biktima na siyang katu-katulong sa mga gawaing bahay nito na lingid sa kaalaman ng pamilya Ereso ay may ka-live in pala ang nasabing housemaid na isang construction worker (suspek).
Dumadalaw-dalaw umano si Carbel sa kanyang partner na katulong sa bahay ng biktima kaya dito niya nakilala ang huli.
Matapos naman na mamatay ang ama ng biktima, dito na siya naiwang mag-isa sa kanyang bahay at ang katulong nito ay umuwi na rin sa probinsya.
Nitong Miyerkules, dito na pinasok ng suspek ang bahay ng biktima bandang alas-2 ng madaling-araw at tinangka nitong gahasain ang dalaga kaya nanlaban ang huli sanhi upang undayan siya ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Bagama't matinding nasugatan, nakatakbo pa ang biktima sa labas ng kanilang bahay habang nakatarak pa ang patalim sa likod nito at humingi ng tulong sa kapitbahay na pinsan para dalhin siya sa ospital subalit binawian din ng buhay.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment