Patay ang babaeng opisyal ng Land Transportation (LTO) matapos itong barilin sa ulo sa loob ng minamaneho niyang sasakyan sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Mercedita Eusebio Gutierrez, 64, Chief Registration Division ng LTO Main Office, at taga-Barangay E Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Polie District (CIDU-QCPD), alas-6:20 ng gabi (May 24) nang maganap ang pananamang sa K-H St., malapit sa Kamias Road, Brgy. Pinyahan, QC.
Ayon kay P/Maj. Don Don M Llapitan, hepe ng CIDU, sinabi ng nakasaksing driver ng container van na nakarinig umano siya ng dalawang putok ng baril malapit sa kanyang sasakyan.
Pagtingin niya sa side mirror ay nakita niya ang suspek na sakay ng blue Honda click motorcycle na walang plaka na bumanga sa pagitan ng kanyang container van at sa sasakyan ng biktima na silver Hyundai Starex Van na may plakang NBO 303.
Nagawa namang alisin ng suspek ang kanyang motorsiklo at tumakas patungo sa V Luna Avenue.
Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktima pero binawian din ito ng buhay alas-7:59 ng gabi, ayon kay Dr. Tulip Micarandayo sanhi ng tinamong bala sa ulo at katawan.
Nasamsam sa crime scene ng SOCO sa pamumuno ni P/Captain John Agtarap ang apat na basyo ng bala ng kalibre 45.
Agad namang inatasan ni QCPD Director, P/BGen. Redrico A Maranan ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) para masusing imbestigahan ang kaso.
Kaugnay nito, kinondena ng mga empleyado at opisyal ng LTO ang pananambang sa lady official.
"The entire Land Transportation Office (LTO) family condemns in the strongest terms the killing of one of our own, Mercedita Gutierrez, in a gun attack in Quezon City on Friday, May 24," batay sa inilabas na pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II.
Ayon kay Mendoza, ito ay isang duwag na gawain at tinitiyak niya sa kanyang pamilya at sa publiko na mahigpit nilang susubaybayan ang imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang nasawing opisyal.
Tumanggi namang magkomento ang opisyal sa motibo ng pananambang sa biktima.
ATTY EDNA B. DEL MORAL
No comments:
Post a Comment