Sinimulan last 2021 habang may pandemic ang shooting ng pelikulang Chances Are You and I mula sa produksyon ng Pocket Media Productions Inc. at mula sa direksyon ni Catherine "CC" Camarillo.
Si Direk CC ang nasa likod ng magagandang teleserye gaya ng Halik nina Jericho Rosales at Sam MIlby nung 2018, Wildflower ni Maja Salvador last 2017 at mga pelikulang Bata Bata Pano Ka Ginawa at Tanging Yaman.
Dahil sa binalot tayo ng pandemic na sanhi ng Covid19, naantala ang pagpapatuloy ng pelikula na pansamantalang nahinto hanggang sa nagluwag na ulit kaya balik-shooting na ang buong produksyon ng Chances Are…
Ang movie ay pinagbibidahan nina Kelvin Miranda at Kira Balinger. Mula man sa magkaibang network (Nasa Kapuso si Kelvin habang Kapamilya si Kira), hindi naging hadlang ito para hindi maging maayos ang pagsasanib-puwersa ng dalawa at makabuo ng magandang chemistry para sa isang maganda at makabuluhang pelikula, ang Chances Are You and I.
Sa idinaos na grand presscon kamakalawa sa Valencia Events Place, naikuwento ng dalawa ang excitement nila na mabigyan ng pagkakataon para gumanap sa Chances Are You and I na isang magandang obra ni Direk CC.
Ang nasabing movie ay isang romantic comedy-drama ukol sa magkabilang pananaw ng dalawang pangunahing tauhan na kapwa may brain tumor.
Sinimulan ang principal photography ng Chances Are… sa South Korea noong 2021.Nagtiis sa matinding lamig ang cast at crew sa Korea nitong nakalipas na Nobyembre.
Tsika ni Direk CC, kahit naantala umano ang pelikula ay "worth the wait" naman daw ito at nararapat lang na maipalabas na sa mga sinehan.
Sey pa nina Kelvin at Kira, wala anyang nabuong romansa sa kanila sa totoong buhay habang ginagawa nila ang pelikula pero hindi anya ito nakabawas para hindi magkaroon ng kilig sa pagitan nila.
Dagdag ni Kira na hindi umano siya pinaasa ni Kelvin at sadyang naging mabuting magkaibigan sila.
Hindi rin naman daw binalak ligawan ni Kelvin si Kira dahil trabaho lang umano ang nasa isip niya at gusto niyang ituon ang buong atensyon sa kanyang career.
Gayundin, napili ang Chances Are You and I bilang isa sa mga Spotlight Entries sa May 25 at 26 sa Jinseo Arigato International Film Festival kaya dadalo sa nabanggit na event sa Japan sina Kelvin, Kira at Direk CC.
Kasama rin sa pelikula sina Jin Ho Bai, Tart Carlos, Anne Feo, Gian Magdangal at Al Tantay.
Bukod sa magandang istorya ay dagdag pogi points sa Chances Are… ang soundtrack ng pelikula tulad ng Demonyo ni Juan Karlos Labajo, Mapa ng SB19 at Anghel ni Brando Bal.
Palabas na sa mga paborito n'yong sinehan ang Chances Are You and I simula sa May 29 na magkakaroon ng premiere night sa SM Megamall sa May 28.
MARU BOK - HN SHOWBIZ REPORTER
No comments:
Post a Comment