Isa pang miyembro ng Lucena City PNP ang nahaharap sa kasong Illegal Discharge of Firearms nang walang habas itong magpaputok ng baril sa inuman sa birthday party ng isang residente sa Purok Masagana, Brgy. Ransohan, Lucena City noong Lunes nang gabi.
Ayon sa report ng Lucena Police, noong Martes nang umaga, unang nakarating sa kanila ang reklamo laban sa pulis na si P/SSg. Arvin Anareta Sayson, 41, SWAT member ng Lucena PNP, na nagpaputok umano ng baril sa harap ng bahay ng isang residente ng barangay. Pero walang makapagsabi ng pangyayari sa mga imbestigador.
Subalit noong, Miyerkoles, may lumutang na testigo na siyang nagpatunay ng insidente.
Sinasabing sakay ng kanyang private vehicle, napadaan ang pulis sa harap ng bahay kungsaan nagkakasiyahan ang mga residente dahil sa birthday party at naimbitahan na makipag-inuman ang pulis.
Sa gitna ng kasiyahan at masayang kantahan sa videoke, ilang kainuman nito ang humiling na magpaputok ng baril na ginawa naman ng pulis gamit ang kanyang service fire arm at saka umalis sa lugar.
Inihahanda na ngayon ang kasong isasampa laban sa nasabing staff sergeant.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment