Nasawi ang isang rider nang pagbabarilin ng dalawang lalaki, at nadamay pa ang isang binatilyo na tinamaan ng ligaw na bala sa likod habang nakasakay sa tricycle sa Tondo, Maynila.
Sa kuha ng CCTV sa Barangay 141 sa Balut, Tondo, dumadaan ang biktimang si Paolo Ambito, 31 anyos, sakay ng motorsiklo. Nasa unahan niya ang isang tricycle na sinasakyan ng binatilyo na nakaupo sa likod ng driver. Maya-maya lang, isang lalaki ang humabol sa biktima at nagpaputok ng baril.
Nang natumba ang biktima, tumakbo palayo ang bumaril pero isang lalaki pa ang lumapit dito at muli itong pinagbabaril.
Tumakas ang dalawang salarin na tumakbong nakayapak papunta sa kanilang getaway car na isang SUV.
"Nagba-backtracking tayo kungsaan galing yung mga salarin…baka may mga mahagip," ayon kay Lieutenant Colonel Melvin Florida Jr., commander, MPD Station 1.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen. Pero batay sa paraan ng pagpatay sa biktima, sinabi ni Florida na tila matindi ang galit ng mga salarin.
Ang ama ng biktima, wala raw alam na kaaway ang kaniyang anak.
Apat na basyo ng bala ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment