Mahigit tatlong milyong views na ang nag-viral na pagbunot ng baril ng isang rider na lalaki na nakasibilyan at kinalaunan ay nalaman na isang pulis sa nakaalitang truck driver sa Antipolo City, Rizal.
Sa video, inihinto ng rider ang kanyang motor sa harapan ng truck, at sumugod sa driver seat habang hawak ang baril.
Ayon sa uploader ng video nangyari ang insidente sa bahagi ng zigzag road sa Antipolo City, Rizal nitong Martes kung saan nakasuot lamang ng tsinelas ang pulis at wala ring plaka ang minamaneho nitong motorsiklo.
Nabatid naman sa Rizal Provincial Police Office, inamin ng Morong Police Station na nakatalaga sa kanila ang pulis na nag-viral sa alitan sa trapiko.
Nilinaw naman ng Morong PNP na hindi nila kinukunsinti ang maling gawain sa hanay ng kapulisan at tiniyak na papatawan ng kaukulang parusa ang nag-viral na pulis.
Kaugnay nito, inanyayahan din ng Morong Police ang truck driver na nakaalitan at pinagbunutan ng baril ng pulis na magtungo at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa kaukulang isasampang kaso.
Nagsasagawa rin umano ng patas ng imbestigasyon ang Rizal PNP, ayon kay Public Information Officer P/Capt. Christopher Hedreyda.
ANGHEL MIDRERO - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment