Nabisto ni Senate Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo na tadtad ng anomalya ang kontrata ng Department of Transportation (DOTr) sa Dalian trains nang bisitahin niya ito sa MRT3 Depot sa North Avenue, Quezon City nitong Martes, Hunyo 18.
"Nakatiwangwang lang at nababalot na ng alikabok ang 48 Dalian trains na gawa ng China na nagkakahalaga ng ?3.7 billion simula noong ito ay ma-deliver noong 2017," sabi ni Tulfo.
"Mayroon ng mga nakasuhan sa Ombudsman dahil dito pero nadismiss lamang ang mga kaso nila. Kaya dapat magsampa ng kakaibang criminal case kaysa sa dati nang naifile para maiwasan ang double jeopardy," dagdag niya.
Ayon pa kay Tulfo, simula't sapul ay alam na raw ng Aquino administration na hindi compatible at non-compliant ang specifications ng mga bagon ng Dalian sa ating MRT system, pero pinilit pa ring ituloy ang kontrata at tinanggap pa rin ang hindi mapapakinabangan ng mga tren.
Kung sakali mang piliting gamitin at patakbuhin ng ating gobyerno ang mga Dalian trains, sinabi ng senador na kailangang sumuka ang pamahalaan ng panibagong limpak-limpak na pera na nagkakahalaga sa dalawang bilyong piso kada taon para sa maintenance lang.
Sa halip na gumastos ng napakalaking halaga para sa maintenance ng mga depektibong tren, iminungkahi ni Tulfo sa DOTr na ire-negotiate ang kontrata upang maisuli na lang ang mga tren na ito at maibalik ang halaga ng perang naibayad na.
Sa huli, sinabi ni Sen. Idol na magpapatawag siya ng hearing sa Senado sa darating na Hulyo, pagkatapos ng Senate recess, upang may managot at bawiin ang perang nagastos para sa mga walang silbing Dalian trains.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment