Posibleng nakalabas na umano ng bansa si suspended Bamban Mayor Alice Guo gamit ang Chinese passport nito.
"Sa mga information namin sa Bureau of Immigration ay nandito pa sya dahil cheneck namin kung si Guo Hua Ping ay umalis na ng Pilipinas, wala naman silang nakitang ganun na record so far," ayon kay Senador Sherwin Gatchalian sa panayam ng Radyo 630.
"So kung dadaan sya sa ating mga airport, at dadaan sya sa seaport, made-detect sya. Pero alam naman natin na meron pang ibang paraan para makatakas," dagdag pa ng senador.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na iisa si Guo at ang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay sinabi ni Gatchalian na gumagamit si Guo ng Chinese at Philippine passports mula 2008 hanggang 2011.
Sa ngayon ay naniniwala ang senador na ginagamit pa rin ni Guo ang kanyang Chinese passport.
"Ako kasi naniniwala ako na yung kanyang Chinese passport, nandyan pa e," ani Gatchalian.
"Naniniwala ako na meron syang Filipino passport , na meron syang Chinese passport. Baka lang ginamit nya yung kanyang Chinese passport para makaalis," dagdag pa niya.
Sa kabila nito, paulit-ulit na iginigiit ng abogado ni Guo na si Stephen David na ang suspended mayor ay nasa Pilipinas pa rin.
Noong Hulyo 13 ay ipinag-utos ng Senado na ipaaresto si Guo dahil sa paulit-ulit na pag-isnab sa mga nagdaang hearing ng Senate committee on women.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment