Nagmistulang hari ang koponang Pylon Mittsu ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) matapos mapasakamay ang kampeonato kontra KE Tiddles ng Quezon City University (QCU) sa naganap na Infinix University League 2024 Finals Game Best-of-5 (BO5) noong Hunyo 29 sa SM Megamall Event Center.
Bumida si John Zandro "jz hits diff" Tanquintic (BSCE 1-6) matapos magpakita ng angking husay sa 'Jungle Role' at tanghaling "Finals Most Valuable Player (MVP)" ng paligsahan.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang miyembro ng koponan na nagpamalas ng lakas sa kani-kanilang mga pwesto na sila James Patrick "Taro" Bacunal (BSIE 1-1) na siyang Captain at Mid Laner, Miles Gideon "Giddyqt" Tadefa (BSMATH 1-1) ang Vice Captain at Roamer ng koponan, Timothy "Motzy" Loresco (BSME 1-1) na siyang Gold Laner, Jose Marlo "Muscle Man" Ducanes Jr. (BSND 3-1D) ang EXP Liner, at Justine James "Fekar'' Espesor (BSMA 1-7) ang multirole ng Pylon Mittsu.
Walong unibersidad ang nakipag-bakbakan kasama ng Pylon Mittsu at KE Tiddles upang masungkit ang kampeonato sa Infinix University League 2024 kabilang na ang TGR Chaos ng University of Sto.Tomas (UST), Oblation Esports Bakunawa ng University of the Philippines (UP), Romancon Gaming Astra ng De La Salle (DLSU) - College of Saint Benilde, NU Wizards Circle ng National University (NU) - Manila, Gearhawks Esports ng Technological University of the Philippines (TUP) - Manila, at Celestial Esports ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.
Agad na nagpakitang gilas ang Pylon Mittsu sa Round 1 Playoffs Best-of-1 (BO1) ng paligsahan matapos maipanalo ang bakbakan kontra Gearhawks Esports noong Hunyo 22.
Sa likod ng pagkapanalo sa Round 1 ng playoffs, hindi naman pinalad ang Pylon Mittsu na masungkit muli ang tagumpay sa Round 2 Upper Bracket Playoffs BO1 ng paligsahan matapos lampasuhin ng KE Tiddles na dahilan ng kanilang pagkakalaglag sa Lower Bracket ng Paligsahan.
"Pylon Mittsu regrouped after suffering a loss from Round 2 against KE Tiddles. The players knew the importance of having to reset after a loss. In a short period of time, the players discussed the loss as a learning experience to do better when they face the remaining teams left and they highly anticipate KE Tiddles as their opponent as they want to bounce back and earn the win for PUP," ani Manager ng Pylon Mittsu na si Chrysler "Dae" De Ocampo.
Dala ang naglalagablab na determinasyon, muling humarap ang Pylon Mittsu sa bakbakan sa Lower Bracket Round 2 ng paligsahan kontra Oblation Esports Bakunawa at muling naipasakamay ang "VICTORY" na dahilan ng kanilang pagpasok sa Semi-Finals ng laro noong ika-23 ng Hunyo.
Sa Lower Bracket Semi-Finals Best-of-3 (BO3) ng paligsahan, kinakailangang mapataob ng Pylon Mittsu ang KE Tiddles upang maipagpatuloy ang laban sa Grand Finals at dala-dala ang aral ng nakaraang pagkatalo, naipasakamay nila ang tagumpay na dahilan upang magharap muli ang dalawang koponan sa Grand Finals ng Infinix University League 2024.
Dulot ng sunod-sunod na pagkapanalo, nag-aalab na determinasyon ang pinakita ng Pylon Mittsu sa kanilang huling tapatan kontra KE Tiddles sa Grand Finals Best-of-5 (BO5) ng paligsahan at tuluyang pinataob ang tore ng KE Tiddles na dahilan upang sila ang tanghaling kampeon sa Infinix University League 2024.
Nabuo ang Pylon Mittsu noong nakaraang taon sa 'tryouts season' para sa naganap na Philippine Collegiate Championship 2023 kung saan napasama ang koponan sa Top 8 NCR Qualifiers.
Matinding paghahanda at time management din ang inilaan ng Pylon Mittsu upang masungkit ang kampeonato lalo na't 'finals season' din ng PUP at kinakailangan na balansehin ng mga manlalaro ang kanilang pag-aaral at paglalaro kung saan ay naglalaan sila ng walo hanggang sampung oras sa pag-eensayo habang ang nalalabing oras ay kanilang binubuhos sa pag-aaral.
"Time management is important for the players to balance their studies and practice. They fit in ranked games and scrimmages during their free time. The team also conducts polls to determine the best practice times based on everyone's availability," saad ni De Ocampo.
Samantala, ayon naman sa taga-payo ng organisasyong Pylon Esports ng PUP na si Prof. Edrele Manayan, wala umanong budget ang binibigay sa organisasyon at tanging suporta lamang ang naibigay ng kanilang organisasyon sa Pylon Mittsu dahil naniniwala siyang hindi hadlang ang paglalaro ng e-sports sa pag-aaral ng mga mag-aaral.
Taon-taon isinasagawa ang Collegiate Tournaments sa mga unibersidad at ilan sa kaabang-abang na bakbakan ng Pylon Mittsu ay ang Philippine Collegiate Championship 2024 sa ika-13 hanggang ika-14 ng Hulyo dulot ng kanilang pagpasok sa Top 8 NCR Qualifiers noong nakaraang taon. Matapos ito, muli silang makikipagtunggalian sa Collegiate Center for Esports Season 4 ngayong ika-26 hanggang ika-28 ng Hulyo sa SMX Convention Center.
Upang antabayanan ang iba pang impormasyon hinggil sa pakikipag bakbakan at paghahanap ng bagong manlalaro ng Pylon Mittsu, maaaring magtungo sa kanilang aktibong facebook page na may pangalang 'Pylon Esports'.
Bisitahin ang page ng Pylon Mittsu: https://www.facebook.com/PylonEsports?mibextid=ZbWKwL
🖋️: Antonio Mickel Tantia
No comments:
Post a Comment