Itinanggi ni House Committee on Public Order and Safety chairperson at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang alegasyon ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na dinidiktahan ng mga matataas na opisyal ang imbestigasyon ng quad committee kaugnay ng iligal na operasyon ng POGO, bentahan ng iligal na droga at extrajudicial killings sa war on drugs campaign ng Duterte administration.
"So, kung i-accuse nila si Speaker (Ferdinand Martin Romualdez) na binuo namin ito or nangyari ito dahil sa utos ng Speaker, that is so unfair. And ako mismo, hindi ako papayag na gamitin ako para sa isang political agenda. After all, I'm not running for any higher position (sa national)," sabi ni Fernandez.
"That's the reason why nang binabanggit na may politika, may utos si Speaker, eh ako alam mo 300 plus kami mga congressmen do'n and they can never dictate on us," dagdag pa nito.
Sinabi ni Dela Rosa na dinidiktahan ang quad committee bilang bahagi ng pagsira sa nakaraang administrasyon.
Ayon kay Fernandez, napansin nitp at nina House Committee on Dangerous Drugs chairperson Robert Ace Barbers, Public Accounts committee chairperson Joseph Stephen Paduano, at Human Rights Committee chairperson Bienvenido Abante na pareho ang mga personalidad na sangkot sa kani-kanilang iniimbestigahan.
"Kaya 'yon 'yong nag-trigger," dagdag pa ni Fernandez.
Sinabi ni Fernandez na kinausap nilang apat si Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales na naghain ng resolusyon at nag-privilege speech para sa paglikha ng quad committee.
Si Gonzales ang unang naghain ng resolusyon para imbestigahan ang bilyun-bilyong halaga ng shabu na nakuha sa Pampanga.
CALOY CARLOS - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment