Maraming mga dahilan kung bakit hindi malutas-lutas ang problema sa matinding pagbaha sa Metro Manila.
Tugon ito ni Department of Public Works (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa tanong kung may tsansa bang hindi na babaha sa Metro Manila.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Bonoan na maraming mga kailangan gawin para malutas ang mga pagbaha sa National Capital Region (NCR) dahil maraming mababang lugar na madaling tamaan ng baha.
Kahit aniya ipatupad ang engineering solutions, mayroong mga isyung pangkalikasan na dapat ayusin kasama na rito ang mga isyung panlipunan.
"I don't know whether what is the definition of flood-free. We're trying," saad ni Bonoan.
Binigyang-diin ni Bonoan na ang Metro Manila ay maliit na lugar lamang subalit ito ay overpopulated at kahit na maraming negosyo at economic activities, maraming problema ang lulutang.
Ang utos aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanila ay i-trap muna ang mga tubig na nanggagaling sa Sierra Madre Mountains upang makontrol ang daloy ng tubig baha na papasok sa Metro Manila.
Bukod dito, sinabi ni Bonoan na antigo o lumang-luma na ang drainage system ng Metro Manila at 30% na lamang dito ang gumagana habang 70% ang silted o nabarahan ng basura at ibang mga bagay kaya may pangangailangan makumpuni at ma-upgrade.
"Iyong internal drainage system of Metro Manila , iyong maliliit na pipes dito is already about 30% efficient; 70% of the internal drainage of Metro Manila is silted sa mga basura and other things," dagdag ni Bonoan.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment