Nangangamba si Senadora Grace Poe na maaaring makabalik ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa 2028 kapag walang pinasang batas para tuluyang ipagbawal ang mga ito.
Sabi ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Finance, malaki ang posibilidad na makabalik ang POGO kapag bumaba na sa puwesto si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at mahalal ang bagong pangulo ng bansa sa 2028.
"Kapag nagpalit kasi ang administrasyon, baka maiba ang ihip ng hangin, at makabalik sila. Kailangan mayroong batas," wika ng senadora sa interview ng DZBB nitong Linggo.
"'Yung online sabong bawal iyan pero alam naman natin mayroon pa rin," dagdag pa niya.
Aniya, dapat ipagpatuloy ng Senado at ng gobyerno ang imbestigasyon sa mga scam farm upang makasuhan ang mga nagtayo nito pati na ang mga sangkot na opisyal ng gobyerno, kung mayroon man.
Nauna nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na sapat na ang executive order upang maipairal ang utos ni Pangulong Marcos sa POGO ban.
Sabi naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pinaaapura na nila ang pagpapatibay ng batas upang maipagbawal ang operasyon ng mga POGO sa bansa.
ATTY. EDNA DEL MORAL
No comments:
Post a Comment