Maaaring mapatawan ng parusa ang abogadong nag-notaryo sa counter-affidavit nang nasibak na si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na ginawa ngayong buwan ng Agosto gayung nakaalis na ng bansa ang alkalde noon pang Hulyo.
Ang impormasyon ay napatunayan ng pamahalaan sa pamamagitan ng counterparts sa Malaysia, Singapore, at Indonesia.
"Iimbestigahan 'yang si Attorney Galicia na pinangatawanan niya na humarap sa kanya si Mayor Alice Guo at sumumpa para doon sa counter-affidavit na hinain ng kampo ni Mayor Alice Guo sa Preliminary Investigation na nagaganap sa aming kagawaran," ani Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
Nakipag-ugnayan na si Ty sa multi-agency team na nag-iimbestiga sa iligal na POGO sa Bamban at aalamin ang posibleng pananagutan ni Atty Elmer Galicia.
Ang notary public lawyer ay kailangang tiyakin na ang mismong pumirma ng dokumento, na batay sa naging pahayag kamakailan ni Galicia ay personal niyang nakita at nakausap si Guo noong Agosto 14.
Una rito, inilahad ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig sa mga ilegal na POGO na nakatanggap siya ng impormasyon na umalis na si Guo sa Pilipinas noong Hulyo.
Idinagdag niya na maaaring harapin ni Galicia ang reklamong Article 171 (Falsification) sa ilalim ng Revised Penal Code na nagsasabing sinumang public officers, kawani at notaries na gumawa at pinalabas na ang taong nagpanotaryo ay humarap sa proceeding kahit hindi naman, ay posibleng makulong ng 6 hanggang 12 taon.
Posible pa na maharap din si Galicia sa administrative proceedings sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at sa Korte Suprema.
IKE ENRIQUE - NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment