Tagilid sa kanyang puwesto si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco dahil malaki ang hinala ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na may mga immigration personnel na sangkot sa pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Inihayag ng kalihim na galawang `Pastillas Gang' ang eskapo ni Guo kahit mayroon nang inilabas na Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa sinibak na alkalde.
"Isang masasabi ko dyan, nagpupuslit papasok… ang Pastillas Gang, at nagpupuslit din sila palabas. Kaya alam natin meron talagang gumagawa nun sa Immigration," ani Remulla.
Matatandaang tinawag na "Pastillas Gang" ang mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa scam kung saan tumatanggap ng suhol mula sa mga dayuhang nais makapasok sa Pilipinas na karamihan ay mga Chinese.
Para hindi mahalata ang modus, binabalot ang pera na gaya sa pastillas, isang uri ng kendi sa Pilipinas.
Samantala, gigil din ang quad committee ng Kamara de Representantes na imbestigahan ang mga opisyal ng BI sa pagtakas ni Guo kasama ang sinasabing kapatid nito na si Shiela Guo at Katherine Cassandra Li Ong.
Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante, chairman ng House Committee on Human Rights na kabilang sa bumubuo ng quad committee, malaking kahihiyan para sa Pilipinas na ibang bansa pa tulad ng Indonesia ang nakahuli kina Guo.
"There's something here that we ought to investigate. The BI should be investigated on that," ayon kay Abante.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment