Inamin ng Philippine National Police (PNP) na pagod na at nagkakasakit na ang ibang pulis na nagbabantay sa paligid ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Barangay Buhangin sa Davao City.
Ngayon na kasi ang ika-11 araw ng pagsisilbi ng warrant of arrest sa puganteng si Apollo Quiboloy na pinaghahanap ng kapulisan sa loob ng nasabing compound.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Col Jean Fajardo, alam niya na pagod na at may mga nagkakasakit ng mga pulis na nagbabantay sa paligid ng KOJC compound, gayundin sa mga miyembro ng KOJC.
Dahil dito muling nanawagan ang PNP kay Quiboloy at apat pang kasamang akusado nito na sumuko na at harapin ang kanyang kaso sa korte.
Naniniwala kasi ang pulisya na nasa loob pa rin ng isa sa mga bunker ang puganteng pastor kaya kahit pahirapan ay patuloy pa rin ang kanilang paghahanap dito.
Dagdag pa ni Fajardo na kung natatakot si Quiboloy para sa kanyang kaligtasan ay binigyan ito ng kasiguraduhan ng opisyal na handa itong proteksyunan ng kapulisan kaya wala itong dahilan para hindi sumuko at harapin ang kanyang kaso.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment