Naghahanda na ang Department of Justice (DOJ) sa posibleng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo "Digong" Duterte.
Isang briefer ang isusumite ng DOJ kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa nasabing scenario, kabilang na ang posibilidad na bumalik ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng Rome Statute matapos kumalas noong 2019. Ang Rome Statute ang siyang lumikha sa ICC.
Isiniwalat ni DOJ Assistant Secretary Mico Clavano nitong Miyerkoles na ang legal team ng kagawaran ay naghahanda na sa lahat ng scenario para ipakita kay Pangulong Marcos ang progreso ng isinasagawang imbestigasyon ng ICC sa madugong drug war ng Duterte administration na kumitil sa higit 6,000 drug suspect.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sakaling magpalabas sila ng arrest warrant laban kay Duterte at iba pang kinasuhan sa crimes against humanity.
Nitong Martes lamang, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na posibleng magbago ang isip ni Marcos dahil sa walang humpay na destabi-lization plot ng kampo ni Duterte.
Ang isinagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs hinggil sa nag-leak na report umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasangkot kay Marcos at sa aktres na si Maricel Soriano sa drug list ay bahagi umano ng destabilization plot, ayon kay Trillanes.
Nilinaw naman ni Clavano na hindi nag-request ng briefer ang Pangulo kundi regular na trabaho ng DOJ na gumawa nito.
"So, it will have to be a very objective briefer para malaman ni Presidente kung paano siya gagalaw once the ICC warrants of arrest, if ever, are issued. Then he will know kung ano 'yung mga legalities, ano 'yung mga option niya and remedies din," wika ni Clavano.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment