Naguluhan ang isang miyembro ng Kamara de Representantes sa gagawing pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa tinaguriang "PDEA leaks" kahit na walang kinahantungan at umani ng kritisismo ang naunang dalawang pagdinig dito.
Ayon kay Isabela Rep. Inno Dy, ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald dela Rosa ay pagsasayang lamang ng oras.
"Nakakapagtaka na aabot pa ito sa third hearing. This is a clear waste of time and a waste of governments' money, waste of taxpayers' money," sabi ni Dy sa isang press conference noong Huwebes.
"For me this is a dead end. Wala na ho itong patutunguhan pero ipinagpipilitan ang bagay na ito, may motibo, there is clearly a motivation why someone would keep pushing, will keep pushing for this to really malign someone, malign our president, malign the actress that was also involved, Maricel Soriano," dagdag pa nito.
Ang PDEA leaks ay mga dokumento na nag-uugnay umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa aktres na si Soriano sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Jonathan Morales, isang dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), totoo ang dokumento pero itinanggi ito ng PDEA.
Nagbabala si Senate President Juan Miguel Zubiri sa kaniyang mga kapwa senador na maghinay-hinay sa pagsira ng puri ng mga personalidad gamit ang pagdinig ng Senado. Kinuwestyon naman ni Senators Chiz Escudero at Jinggoy Estrada ang kredibilidad ni Morales na sinibak sa serbisyo dahil sa grave misconduct at dishonesty.
"Nakakapagtaka lang kasi yung timing. Kung kailan sinusubukang siraan ang Presidente, ang administrasyon ngayon. Tapos ngayon supposedly may ganitong klaseng PDEA leaks na mismong ang ahensya ng PDEA ay sinasabing walang ganitong dokumento," sabi ni Dy.
Nalulungkot din umano si Dy sa nangyari kay Soriano na inimbita sa pagdinig.
"Sabi nga niya doon sa hearing, hindi niya daw alam kung bakit siya naimbitahan, hindi ba? Kawawa naman 'yung tao, nadadamay siya sa mga ganitong klaseng pagdinig sa Senado. 'Yung personalities na involved, 'yung mga tinututukan nila, naha-harass tuloy 'yung mga tao," dagdag pa ni Dy.
Para naman kay Tingog party-list Rep. Jude Acidre, trabaho ng Senado na mag-imbestiga at magsagawa ng pagdinig at kumpiyansa umano ito sa kakayanan ni Dela Rosa.
"Of course nagiging katawa-tawa na, na ipatuloy pa ang mga hearings kung saan nakikita naman natin na halos wala ng patutunguhan at kung ano-ano na lang ang mga kuwento. Ang mahirap dito, someone is benefiting from the opportunity and the audience para siraan ang Pangulo at ang administrasyon," sabi ni Acidre.
"At sana makita iyon ni Senator Bato na hindi rin makakatulong para sa Senado bilang institusyon na ang mga issue na ganito na walang basehan ay binibigyan nila ng oras, ng air time. Sana 'yung efforts nila ilagay na lang nila sa pagpasa ng mga priority legislation," dagdag pa ng mambabatas.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment