Inakusahan ni Liza Maza, dating kalihim ng National Anti-Poverty Commission, ang Department of Migrant Workers ng pangingikil.
Ito ay sa gitna ng isang memo na inilabas ng Manila Economic and Cultural Office-DMW Migrant Workers Office kung saan pinagbawal ang mga OFW na magbalik trabaho sa Taiwan kung hindi magbabayad ng membership fees sa OWWA, SSS at Pag-IBIG.
"Napakawalang-hiya naman ng DMW na ipa-require ito sa mga kababayan nating OFW. Extortion 'yan!" banggit ng da-ting mambabatas.
Sinuportahan naman ni Liza Maza ang grupong Migrante International nang binansagan ng grupo na ang memo ay isang iskema ng "no pay, no work" para lalong huthutan ang mga kababayan natin.
Mayroong 151, 562 Pilipinong naiulat na nagtatrahaho sa Taiwan ayon sa pinakahuling datos ng Ministry of Labor ng kalapit na bansa.
Dagdag pa ni Maza na "bilyon-bilyon ang tinatabo ng DMW at ng gobyernong Marcos mula sa mga OFW, dadagdagan pa ang mga bayarin." Ayon sa grupong Migrante International, nakapagkolekta ang gobyerno ng mahigit kumulang P11 bilyon sa 2.3 milyong migranteng Pilipino mula sa Overseas Employment Certificates (OECs), PhilHealth contributions, Pag-IBIG, SSS at OWWA membership dues.
"Ginagawa ninyo silang mga gatasang baka! Bilyong-bilyong piso ang pinipiga sa mga OFW pero nananatiling pikit-mata at pabaya ang gobyerno sa pang-aabuso sa ating mga kababayan," diin pa ni Maza sa gitna ng kawalang hakbang ng gobyerno sa mga kaso ng inaabuso na mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment